Home News National Panoorin ang Video ng Paninita ni Col. Bosita sa MMDA enforcer na...

Panoorin ang Video ng Paninita ni Col. Bosita sa MMDA enforcer na Pinapalagan Bong Nebrija

0
0

Usap-usapan na sa social media pati sa mainstream media ang banat ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic operations Chief Edison Bong Nebrija laban sa popular na retired Col. Bonifacio Laqui Bosita.

Nitong nagdaang araw ay nagpasaring si Bong Nebrija sa pamamagitan ng social media para tawagan ng atensyon si Col. Bosita dahil diumano sa ginagawa nitong panghihimasok sa trabaho ng mga traffic enforcer.

Naging kilala si Retired Colonel Bosita dahil sa kanyang pagtulong sa mga nasisitang motorcycle rider sa pamamagitan ng pakikipag usap niya sa nanghuling enforcer.

Tila nag umpisa ang alitan sa pagitan ni Nebrija at Bosita dahil sa video na inupload ng retiradong pulis noong Marso 4 tungkol motorcycle rider na nahuli sa kahabaan ng EDSA dahil sa ang angkas nito ay naka-tsinelas lamang.

Sa nasabing video ay humingi ng tulong ang nasabing motorcycle rider kay Bosita at pinuntahan naman ito ng personal ng vlogger upang kausapin ang enforcer na nanita sa kanila.

Pinagsabihan ni Bosita ang mga nasabing enforcer dahil sa panghuhuli nito ng mga naka tsinelas na backride.

Pero kitang kita na kahit sa mga enforcer ay popular si Bosita dahil humirit pa sila ng selfie sa retiradong opisyal.

“Ang mga kasama niyo turuan niyo, kawawa ang riders,” ani Bosita.

Tinawag din ni Bosita ang team leader ng mga enforcer at sinabihan ito na ang tinutulungan niyang rider ay hindi na nakapasok sa trabaho dahil sa panghuhuli sa kanila.

Pumalag naman ang mga enforcer at sinabi na pinunit ng backride ang ticket na kanilang ibinigay dahil daw sa init ng ulo nito. Pero sabi naman ni Bosita ay mainit ang ulo ng backride dahil sa alam niya na mali ang ginagawa sa kanila.

Sinabi din ni Bosita na dapat bayaran ng enfocer ang sweldo ng hinuli niya sa bawat araw na mawawala ito sa trabaho dahil sa pagco-contest sa huli sa kanya.

Dito na dumating ang mismong traffic enforcer na nanghuli at sinabihan ito kagad ni Bosita na mali ang kanyang ginawa.

“Wag kang magpapatupad ng bagay na hindi ipinapatupad ng batas… Alam ng mag asawa ang ginagawa mo, ang problema pinanindigan mo ‘yung mali, magco-contest sila sa lunes,” sabi ni Bosita sa enforcer.

“Ang sweldo nito, 611, pag natapos itong contest nila ‘yung araw na absent siya kapag nag file ng contest at ‘yung araw niya na hinintay nila ‘yung decision siguro tatlong araw, ‘yung danyos dito babawiin namin sa’yo, kung 600 per day, mga 1800, magbabayad ka,” dagdag niya pa.

Pero may iba pang mungkahi si Bosita at sinabi na mas maganda ay bayaran na lamang ng enforcer ang isang araw na sweldo ng kanyang hinuli at kausapin na lamang ang kanyang superior tungkol sa legalidad ng kanyang ginawang paninita.

500 lamang ang naibigay ng enforcer dahil ‘yon lang ang dala niyang pera.

Hinimok naman niya ang enfocer na kausapin ang kanyang superior para i-cancel ang ticket para wala na itong maging problema pa.
Ang nasabing video ay nakakuha ng daan daang libong views sa social media.

Matatandaan na kahapon ay hindi naitago ni Nebrija ang kanyang pagkagigil kay Bosita dahil sa ginawa niya sa enfocer.

“Ilabas mo ang batas na nagtatalaga sayo ng kapangyarihan na pagbayarin ang enforcer namin ang isang araw na sweldo ng hinuli nila, baka usurpation of authority ka boy para iutos at ipilit sa enforcer namin yan.” ani Nebrija.

Sinabi din nito na namumulitika lang si Bosita na nababalitang tatakbo sa ilalim ng isang party-list.
Balak din kasuhan ni Nebrija si Bosita kung mangingialam muli ito sa mga huli ng MMDA sa susunod.

Panoorin dito:

Comments

comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here