Home News Locale News Among lalaki ni Joanna Demafelis, nadakip na sa Lebanon —DFA

Among lalaki ni Joanna Demafelis, nadakip na sa Lebanon —DFA

1
0
SHARE

Nadakip na sa Lebanon ang isa sa mga pangunahing suspek sa brutal na pagpatay sa overseas Filipino worker na si Joanna Demafelis sa Kuwait, ayon sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes.

Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na ipinaalam niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na nahuli na si Nader Essam Assaf, isang Lebanese national.

Si Assaf at asawa niyang si Mona, isang Syrian national, ang mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Demafelis, na nakita ang bangkay sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Pinaniniwalaang isang taon nang patay ang 29-anyos na si Demafelis bago aksidenteng nadiskubre ng mga awtoridad sa Kuwait.

“The President welcomes the news that Nader Essam Assaf is now in the hands of authorities in Lebanon,” ayon kay Cayetano. “Assaf’s arrest is a critical first step in our quest for justice for Joanna and we are thankful to our friends in Kuwait and Lebanon for their assistance.”

Ayon sa Philippine Embassy sa Kuwait, nadakip si Assaf nitong Huwebes, ang araw na bumisita sa burol ni Demafelis si Duterte sa Iloilo.

Tinutugis ng INTERPOL sina Assaf at kaniyang asawa matapos na madiskubre ang bangkay ni Demafelis noong nakaraang buwan.

Inaasahan ni Cayetano na hihilingin ng Kuwaiti authorities sa Lebanon na maibalik sa kanilang bansa si Assaf para harapin niya ang kaso.

Samantala, sinabi rin ng kalihim na nagtutulong ang DFA at Department of Labor and Employment para matupad ang direktiba ng pangulo na mabigyan ng kaukulang proteksyon ang mga OFW sa mga bansa na kanilang pinagtatrabahuhan. –

Source: GMA News, PTV

Comments

comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here